Work Text:
Bahagyang nakapapasok at nanunuot pa rin ang lamig sa makapal na kasuotan ni Klay ngunit hindi niya ito alintana. Ang kaniyang kalooban ay sumisigaw na sa wakas at nandirito na siya! Nasilayan na rin ng kaniyang mga mata ang matagal nang nais makita!
Kasabay ng pagtanaw sa kapaligirang natatabunan ng niyebe, tila napahawak ang binibini sa barandilyang humaharang sa malawak na katubigang kaniyang nasasaksihan.
"Grabe ka, Fidel. Hindi mo naman sinabi sa 'king ganito kaganda dito," sambit niya sa mga mumunting usok na lumilitaw tuwing siya'y humihinga, hindi batid ang pasong bigay ng kaniyang tinatangnan.
"Ang Río Támesis! Ilang taon na rin simula noong huli ko itong makita."
"Ha? Ano 'yun?"
"River Thames ito sa ingles. Ang pinakamalaking ilog sa Inglaterra na siya ring humahati sa Londres sa dalawang parte. Sumagi lamang muli ito sa aking isipan sa pagbabalik-tanaw ko noong ako'y nag-aaral pa sa Europa. Alam mo ba ito, aking binibini?"
"Londres? London ba? Alam ko lang yung Big Ben do'n eh."
"Wait, you're familiar with that Clock Tower, yet have not heard of the famous river?"
"Ay, sorry po ah, Don Fidel. Hindi kasi ako kasing yaman tulad mo na on the spot kayang pumunta everywhere."
"Paumanhin, Klay." Hinawakan niya ang isang kamay nito at marahan itong hinaplos. "Hindi iyon ang ibig kong iparating. Nagtaka lamang ako 'pagkat ang ilog ay mas kilala sa aking pagkakaalam."
Ibinaling ng binibini sa ibang direksiyon ang kaniyang ulo upang itago ang isang nakalagpas na ngiti. "Hindi pa nga kasi ako nakakapuntang ibang bansa, lalong-lalo na sa London. Ang mahal kaya ng plane ticket kung alam mo lang."
"Plane ticket?"
"Eroplano? Airplane? Ah, basta! 'Wag mo na pala isipin 'yon, mukhang wala pang gano'n this period."
Ilang sandali pa ay tinanggal ng binibini ang pagkakahawak sa barandilya at itinaas niya ito. Ibinuka niya ang kaniyang mga bisig na tila gustong yapusin ang mga maririkit na imaheng nasa harapan kasabay ng pagpikit ng kaniyang mga mata upang mas lalong manamnam ang paligid.
Hindi kailanman pumaroon sa isipan ni Klay ang mag-aalala kung may nakakakita man sa kaniya o wala.
"Klay, aking binibini... Naalala ko 'yong napag-usapan natin noong isang araw. Kung tayo ay makaluluwag sa mga nangyayari, nais ko sanang dalhin kita roon sa Londres 'pagkat nandoon ang favorito kong lugar."
"Ha?" Tila napanguso ang dalaga sa narinig. "Ang akala ko ba dito sa tabi ko ang favorite place mo?"
"Well, of course! Ang ibig kong sabihin ay liban sa tabi mo!"
"Palusot ka pa eh! Kainin mo diyan mag-isa yung imported cheese and biscuits mo."
"Heto ka na naman, mi migrañita. Huwag nang magtampo... Bumalik ka na rito at ako na ang magpapakain sa iyo."
Ang kilalang puente sa Europa na tinatapakan ng binibini ay tunay ngang kahanga-hanga kahit na taglamig man sa lugar. Sa isip-isip niya ay parang nasa langit na siya dahil sa kaputiang taglay ng mga niyebeng tumatakip sa kalupaan.
"Ay, in fairness sa kanila ah. May pa-ferris wheel pa near kay Big Ben. Tourist spot na tourist spot talaga," wika ni Klay nang mapansin niya ang engrandeng rueda.
Ngayon ay kaniyang napagtanto ang pagkanais ng kaniyang mga palad ng mataas na temperatura. Nalimutan niya kasing suotin ang mga nabiling guwantes kamakailan lang sa pagmamadali. Kaya't agad niyang ibinalik ang kaniyang mga kamay sa bulsa ng kaniyang gabardina.
Matapos maisuksok ay may nahawakan siyang malapapel na bagay sa kailaliman ng kaniyang bulsa.
"Teka—ngayon ko lang naisip. Bakit pala may favorite place ka sa London? Dahil ba doon ka nag-aral?"
"Siyang tunay, mi corazón. Malapit kasi ang nakamamanghang tulay sa aking tinutuluyan noon at kita pa nito ang nasambit mong Torre del Reloj."
"Wow naman. Sana all, diba!"
"When I had time back when I was studying, I sometimes go to that special part of the bridge to enjoy the view. Other times I just sketch particular events that I saw around me."
"Natago mo ba yung mga drawing mo? Gusto ko sanang makita mga pinaggagawa mo do'n."
"Sa kasamaang palad ay nawala ang mga ito."
"Ay, badtrip naman."
"Huwag ka nang malungkot, mahal ko. Gusto mo bang iguhit kita roon pagpunta natin?"
Inilabas ni Klay ang nasalat na papel.
"May pamphlet nga pala ako! Ano pa kaya mga attraction nila?" Binuklat-buklat niya ito. "Ahh, London Eye pala tawag sa malaking ferris wheel na yan. Ay—akala ko naabutan din ng lalaking 'yon eh, 1999 pala siya natapos gawin."
"Babe? Fidel? Hoy! Ayos ka lang? Kanina pa kita tinatawag. 'Di ba masarap luto ko? Masyado bang maalat o nasunog ko na naman ba?"
"Ah, hindi, hindi! Masarap siya, mi cariño— napakalinamnam! Mukhang seryoso ka talaga sa iyong planong gumaling pa sa pagluluto."
"Fidel de los Reyes y Maglipol! Huwag mo ngang iniiba ang topic! What's the problem? Tell me... I want to hear all the thoughts that's been bothering you."
"Thank you, Klay," wika nito habang isang mapait na ngiti ang lumabas sa kaniya. "Sumagi kasi sa akin na ngayon ang araw ng pagpanaw ng aking mamá, ang yumaong Doña de los Reyes."
"I'm sorry, my love... Gusto mo bang bisitahin natin ang puntod niya?"
Isang malakas na ihip ng hangin ang naparoon sa kinalalagyan ng binibini.
"Hala! Jusko, Lord! Masabihan pa 'kong nagkakalat dito!" Nginitian niya ang mga taong dumadaan sa paligid sapagkat mabilis na nilipad ang kaniyang hawak sa itaas na parte ng malapit na poste.
Napabuntong-hininga si Klay nang napagtantong walang nakapansin sa kaniya.
Tumingkayad ang binibini upang maabot ang nalipad na polyeto mula sa kaniyang kamay. Pagkatapos ay mayroon siyang narinig na tunog, isang asong nakatali ang napadaan at ngayo'y tinatahulan siya.
Mabilis naman na humingi ng paumanhin ang amo nito. "It's alright, Ma'am," malumanay na tugon ni Klay sa babae. Binati rin niya ang aso na siya ring kumalma matapos masuway.
Tatalikod na sana si Klay ngunit pag-alis ng babae sa harapan niya ay may isang lalaking pumaroon sa kaniyang paningin. Hindi niya ito kakilala ngunit mayroong pamilyar sa ginagawa nito.
"Nasabi ko na ba sa iyo minsan kung bakit malapit sa akin ang lugar na iyon? Kung bakit hindi ko iyon kailanman malilimutan?"
"May iba pa bang dahilan bukod sa relaxing time mo do'n?"
"Sí... It was the place where I experienced my first heartbreak."
Ang paligid ay nag-iba. Ang mga gusali at damit ng mga dumaraan ay nagpalit-anyo at naging makaluma. Ang lalaking kaniyang minamasdan ay tila naging kawangis ng ginoong hanggang ngayon ay nanatili pa rin sa kaniyang puso.
"Oo, nga pala. Dito mo pala binasa 'yung letter na 'yon."
Ang nagbibinatang Fidel ay makikitaang may bakas ng pagkagulat. Hindi alintana ng binata ang nanginginig niyang palad na mahigpit na nakahawak sa binabasa.
"Siya ang kauna-unahang tumanggap sa akin. Ang mga walang saysay kong mga pangarap noong ako'y musmos pa lamang. Hindi niya iyon isinawalang-bahala, bagkus siya pa nga ang laging sumusuporta sa akin. Ngunit ang papá..."
Naikwento na rin nito minsan ang ugali ng ama subalit ngayon lang namutawi rito ang mga alaala ng inang malapit pala sa kaniya. "Kaya't gano'n na lamang ang aking dalamhati noong mabalitaan ang kaniyang pagpanaw."
Nilapitan niya ang hindi magkamayaw na lalaki at kaniyang tinanong kung ayos lamang ito. Batid ni Klay na walang nakapitan noon ang ginoong tinatangi kaya't labag sa loob niyang iwan na lamang ang isa na namang binatang nahahapis.
Napansin ng lalaki ang pag-aalala ng binibini kaya't pinasalamatan niya ito habang pinapahiran ang mga luha sa kaniyang mukha. Pagkatapos ay isang napakalaking ngiti ang lumabas mula sa binata. "I just got in to my dream school, that's all."
"Ha?" natameme ang binibini ng ilang saglit. Nalilito siya dahil akala niya— "Assumera ka kasi, Klay." Bulong niya sa sarili sabay marahang iniling ang kaniyang ulo.
Ang hitsura ng binatang Fidel ay biglang lumisan at nabalik na ulit ang kaniyang kamalayan sa totoong mundo.
"Ah, eh, congratulations!" bati niya sa hindi kilalang lalaki.
Muli itong nagbigay ng pasasalamat sa kaniya at nagtatakbo nang nagpaalam. Saglit na natawa ang binibini sa pangyayari habang kinakawayan ang papalayong binata.
"Akala ko luluha ka na namang mag-isa, Fidel."
Nadamayan man niya ang hindi kilalang lalaki (kahit na sa pamamaraang pagbubunyi), ngunit tila siya naman ngayon ang tumatangis mag-isa.
"Hoy, Klay! Ano ba yan? Bakit ka umiiyak? Gaya-gaya ka rin no?" Tanong niya sa sarili ngunit batid niyang sa loob-loob ay nadala na naman ulit siya ng mga alaalang naibahagi ng kaniyang minamahal noong nasa Londres pa ito.
"My love, ikaw ba ay nakaisip na minsan ng mainam na sagot o tugon sa mga usapang hindi mo na muling mababalikan pa?"
"Sa tingin ko lahat naman ata napagdaanan yan. Bakit mo pala natanong?"
"Iniisip ko lamang na sana'y sa lahat ng salitang aking nalalaman ay maitatawid ko pa rin ang walang katumbas kong pagmamahal sa iyo nang sa gano'n ay wala akong maaaring pagsisihan sa huli. Hindi katulad sa kaniya..."
Maya-maya pa ay hindi niya namalayang may nag-abot na pala sa kaniya ng panyo. "For your tears, Miss..." Kinuha niya ito. "Why are you crying here alone? You know your husband hates it when you cry."
Napasimangot si Klay sa narinig. "Naku, tigil-tigilan mo nga 'ko, lalaking late. Kanina pa 'ko nandito oh. San ka ba galing?"
"Hay, naiirita na naman ang aking asawa." Isang malaking ngiti ang pumasada sa labi ng ginoo, ngunit nagbago rin ito noong mapagtantong mayroon siyang kailangang aminin. "Paumanhin at medyo..."
"Hmm? Ano 'yon? May sinasabi ka ba?" mapaglarong tanong ng binibini kahit klaro niya namang nadinig ang tila humina na boses ng lalaki.
"I said I'm sorry, and you were right. I was lost on my way here..."
"Ayon, inamin mo rin. Kung sumama ka kasi sa 'kin kanina, edi parehas kaagad tayong nakarating dito. Sa susunod kasi bawas-bawasan ang pagkahangin. Ang lamig na nga dito, dadagdag ka pa eh," sambit ng binibini sapagkat nagpumilit ang kausap na alam nito ang daan at pasikot-sikot ng syudad.
"At least I'm not the one who's hands are freezing right now," bato naman ng ginoo. Tinignan nila parehas ang kamay ni Klay. Ang mga ito ay nanginginig na pala.
Minabuti ng kararating na lalaki na iipit muna sa ilalim ng kaniyang braso ang makapal na kwadernong bitbit at saka lamang ilabas ang nalimutang guwantes upang isuot sa kamay ng binibini.
Habang inilalagay ay nakita niya ang mga mata ni Klay, bagama't mamula-mula sa pagluha, napansin niyang masinsin ang pagkakatuon nito sa kaniya.
"Hindi ako malimit manalangin, ngunit Klay, ang babaeng lubos kong tinatangi..." Marahan niyang iniabot ang mga kamay ng dalaga para ilapat sa kaniyang labi. "Ako ay humihiling ngayon sa panginoong maykapal na kaisa-isa nating saksi."
"Klay? May problema ba? Ikaw ba ay naduduwal muli?" Tanong ng ginoo pagkatapos mabihisan ang kamay ng babae. "Ano ba kasi ang iyong nakain at—" Laking gulat niya ay biglaan na lamang siyang hinila nito at mahigpit na niyapos.
"Hmm? May pa-ganiyan ka pala ah. Ano ba 'yon?"
"Wala, naalala ko lang yung mga kwento mo noon. Sa wakas, 'no? Nandito na rin tayo." Lumayo ng kaunti ang binibini upang haraping muli ang kausap kasabay ng paglapat ng kaniyang mga palad sa pisngi nito.
"Sana'y... hindi ka rin mawalay sa aking tabi katulad ng paglisan ng mga tao sa aking paligid."
"At nandito na rin ako, Fidel. Lagi mong tatandaan na wala na ang mga sandaling nag-iisa ka. Nandito lang ako sa tabi mo at nangangakong hindi ka na kailanman lilisanin pang muli."
Naghalo ang mga mumunting ulap na parehas nilang inilalabas sa ginhawang ngayo'y kanilang tinatamasa. Nanuot ang mga ito sa kanilang mga puso na para bang pinapaalala na minsa'y naging pangarap na lamang ang kasalukuyan, isang panaginip na hindi nila noon maaaring maabot.
Ngunit matapos ang ilang mga sandali ay napansin ni Klay na tila gustong kumawala ang isang halakhak mula sa ginoo.
"Teka nga, bakit parang natatawa ka diyan? Oo na, cheesy na 'ko, okay?" Nakasimangot na banggit ng binibini. "Ito, minsan na nga lang mag-drop ng lines na mala-telenovela eh."
"Hindi, mi amor. Hindi kita tinatawanan. Nasiyahan lamang ako sa iyong mga nasambit." Marahan niyang hinila ang babaeng nagtatampo. "Kaya't halika na rito at pagmasdan natin ang marikit na larawan ng Londres."
"Tse! Diyan ka na nga!" Anas nito at kumawala sa kaniya.
"Sandali—saan ka pupunta—Klay! Que pesada de verdad!"
Napatawa na lamang ang binibini habang siya'y patuloy na nagpahabol sa ginoo. Hindi nagtagal ay naabutan din siya ng lalaki.
Napatili si Klay nang makalapit ang kaniyang esposo at niyakap siya. Napansin niyang may iilan na lumingon sa kanilang kinaroonan dahil sa biglaang ingay mula sa kanila.
"Fidel! Ano ba! Wait—" Hindi napigilan ng babae ang kaniyang hagikgik sa paglalambing ng asawa (at sa pangingiliti rin nito).
"Kasasabi mo lamang na hindi mo na ako hahayaan pang muling mag-isa."
Mapapansing nakaguhit ngayon ang labis na galak sa kanilang nanunuyot na mga labi.
"Wala ka yatang isang salita, aking binibini."
"Kahit kailan talaga, 'di mabiro ang aking ginoo."
